Thursday, December 13

1 Ang bus nga naman...

Lunes, pagkatapos ng mahabang araw sa opisina,sumama akong maghapunan sa aking mga ka-opisina. Sarap ng kain, sarap ng kwentuhan, pare-pareho naming di namalayang dis-oras na pala ng gabi. At sa pagbaba ng aking ka-opisina sa Boni nagsimula ang lahat...

Bumaba ako ng Shaw, naghanda sa pag-aabang sa bus na pa-Malinta Exit. sumilong ako sa waiting shed, at habang naghihintay, nilibang ko ang aking sarili sa pakikinig sa programa ni King DJ Logan. Ninamnam ko ang bawat kanta habang matamaang inaabangan ang pagdating ng bus. Lumipas ang mga minuto, dumaan ang kung may ilang bus ngunit wala pa rin ang aking pinakaiintay. Siguro nga'y pinagtatawanan na ako ni ateng nagtitinda ng yosi't kendi dahil sa dami ng dumaan, matiyaga pa rin akong naghintay. Nagpalakad-lakad, nagpabalik-balik, ngunit bigo pa rin akong makasakay. Alam kong magmamadaling araw na, malapit na ring matapos ang programa ni KDL, ngunit andoon pa rin ako, naghihintay. Umusal ako ng panalangin ... ngunit ako'y bigo. Hanggang sa may samu't saring diwang biglang nagsalimbayan sa aking isip.

Bigla na lang sumagi sa aking pagal na kasipan, ang paghihintay pala ng bus ay parang pag-ibig. Oo, alam ko nakakatawa. Pero isipin mo, di ba naghihintay ka rin? Nagbabakasakaling baka may dumating. Pag may dumating, minsan magiging isang maligayang karanasan ito at makakarating ka ng matiwasay sa iyong patutunguhan. Maaari ka rin namang matatagtag sa masalimuot na mga daan. Minsan, pwede kang pumili, minsan naman, sa tumal ng pagdaan nila, nagkakasya ka na lang sa kahit anong dumaan. O dili kaya, katulad ng nangyari sa akin ng gabing yun, sumuko na ko't sumakay sa ibang biyahe sa tagal ng paghihintay.

Ang nangyari saki'y isang mahabang paghihintay na may kalakip na pag-asa't panalangin na may daraan pa. Isang bus na ihahatid ako ng diretso sa aking patutunguhan. Oo, may dumaan, Malinta exit, pero hanggang doon lang, at hindi sa dapat kong patunguhan.

Minsan maiisip mo, sayang ang panahon ng paghihintay, paghihintay na ang dinulot ay sakit sa binti at paltos sa paa. Sanay hindi ka na umasang may darating pang byahe ... pero sa mga pangyayaring tulad noon, dun ka matututo. Yun ang huhubog sa iyo para sa susunod, alam mo ng gagawin.

At ng matapos ang isang oras na paghihintay at isa't kalahating oras na biyahe, nakarating na rin ako ng matiwasay sa aming tahanan.








1 comments:

constantly_battling_anxiety said...

taray!
hay I felt that once na sobrang madalang ang byahe (both sasakyan at pag-ibig), minsan naman ang daming dumadating (both sasakyan and pag-ibig pa din) minsan may byaheng maling direksyon pala. kung shungality ka at hindi nagbabasa ng signboard eh maliligaw ka talaga. minsan naman, ka-shungahan pa din, bigla kang bababa sa byaheng alam mo namang dadalhin ka sa tamang lugar, eh mas pinili mo pang bumaba at maghanap ng masasakyang iba na hindi mi alam na kung talaga bang dadalhin ka sa tamang lugar na pupuntahan mo--ang haba na ng sentence ko noh?!--hehehe...